Thursday, March 5, 2009

Pangako

Matagal-tagal din mula nung huli akong nakapagpost, ano bang silbi ng pagbibitaw ng isang salita kung hindi mo naman ito matutupad? Hindi ba parang nawawala rin yung presensya ng pangako kung ito ay hindi rin matutupad? Gaya ng sinabi ko nung huli kong "post" sinabi ko na iuupdate ko ang blog na ito 2-3 araw mula nung huli kong pagpopost ngunit ang pangakong iyon ay hindi ko natupad at eto, ngayon lamang ako nagpopost.

"Pangako"

Isang salitang sadyang madalas nating bitiwan sa ibang tao, ngunit madalas ding hindi natutupad. Ano ba ang silbi ng pagsasabi ng isang pangako kung hindi mo ito mapapanindigan? Halimbawa na lamang, nagkaron kayo ng usapan ng iyong mga kaibigan na kayo ay magkikita-kita sa Luneta ng 10 ng umaga, at ikaw ay dumating ng 10:30, hindi ba ito isang paraan ng pagsira sa pangako (alam ko na nasa Pilipinas tayo, at ito ay nakasanayan nang kaugalian ng mga pilipino ang - filipino time) na kung saan ay kung paulit-ulit mong ginawa ay maaaring magdulot ng pagkawala ng silbi ng pagsasabi ng isang pangako... Kung iisipin natin ng maigi, maraming tao ang ganito, na akala nila ay ayos lang mahuli dahil ayon ito sa nakasanayan ng nakararami, ngunit hindi. Sinisira ng pagsira ng pangako ang isang pangako na kung saan ay maaaring magsanhi ng pagkasira ng pangako mismo. Bakit kailangan pa natin gamitin ang salita kung pawang pagsira lamang dito ang parati nating ginagawa?

Hindi lamang sa mga ganitong pangyayari nagaganap ang pagsira ng pangako, isa pang magandang halimbawa nito ay sa relasyon. Madalas pag mayroon tayong kasintahan, madalas natin sinasabing walang iwanan, o mamahalin kita habambuhay. Pero bukas makalawa, makikita mo magkahiwalay na... isa nanamang paraan ng pagsira ng pangako. Maaari ngang nakakaantig pakinggan ang mga salitang iyon ngunit kung hindi mo naman mapapanindigan, bakit kailangan mo pang sabihin? Ika nga nila "Action speaks louder than voice". Maaari mo namang iparamdam ang iyong pagmamahal sa isang tao ng hindi nagbibitaw ng isang salitang di mo kayang panindigan. Mas mainam na maiparamdam mo ito at huwag ng magsalita dahil mula 'ron ay maaari itong magbunga ng mas mabuting pagsasama.

Sa pagkakaibigan ay ganon rin, kadalasan sa hayskul sinasabi natin ang katagang "friends for ever" o "friends for life" sa ilan nating mga kaibigan, ngunit sa paglipas ng panahon ang friends for ever ay unti unting nalalagasan ng letra hanggang sa minsan ay ang friends ay nagiging friend na lamang. Kung titignan mo, dalawang bagay lamang ang permanente sa mundo. Una ang "pagbabago" at ikawala ang "katotohanan". Maaari ngang may mga pagkakataong binabaluktot ng ilan ang katotohanan ngunit hindi natin maaalis na ang tunay na katotohanan ay ang talagang totoo. Gayon din sa pagbabago. Ang dalawang ito ay constant; at kung ito ay isasapuso natin, maiisip natin ng maigi na tayo ay hindi dapat basta na lamang nagbibitaw ng mga salita na hindi natin kayang panindigan, ika nga sa ingles: "Breaking your promise, defeats the purpose of your promise and the word itself".

Kailangan lamang natin na magkaroon ng prinsipyo sa mga bagay na ating ginagawa, hindi lamang basta salita, dapat ay pati rin sa gawa. Nakakapagpalubag loob nga naman kung minsan makarinig ng matatamis na salita at nakakapagpagaan ng loob na mga kataga, ngunit dapat natin tandaan na hindi ang tamis ng salita ang mahalaga kundi ang pagpapatupad sa mga salitang binitawan. Mas maiging sabihin ang masasakit na salita at ito ay mapanindigan, kaysa magsabi ng mabubuting salita na pawang sa simula lamang nagiging makatotohanan.

No comments:

Post a Comment